Agad na naapula ang sunog na sumilab sa isang ginigibang hotel sa Maynila.
Nagsimula ang sunog ng alas-9:13 ng umaga kung saan tuluyan itong naapula ng alas-9:51 ng umaga.
Kwento ng ilang kinatawan ng kompanya na nagsasagawa ng demolisyon, nag-apoy ang mga naipong debris at kalat sa elevator shaft ng lumang gusali ng dating Grand Boulevard Hotel.
Nauna nang tumangging magpakilala ang kinatawan ng kumpanya pero sinabi nito na may nahulog sa itaas na bahagi na pinagmulan ng apoy.
Wala namang nasaktan sa insidente na nakontrol sa tulong ng mga rumespondeng bumbero mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) at mga fire volunteer.
Pansamantalang isinara naman sa mga motorista ang service road ng Roxas Boulevard mula Quirino hanggang Malate church dahil sa dami ng rumespondeng pamatay sunog.