Monday, February 2, 2026

SUNOG, SUMIKLAB SA ISANG BAHAY SA MANGALDAN; ₱15K HALAGA NG ARI-ARIAN, NATUPOK

Sumiklab ang isang sunog sa isang bahay sa Mangaldan, Pangasinan, madaling araw kahapon, Pebrero 1.

Batay sa ulat, natutulog pa umano ang maybahay na isang 64-anyos na babae at ang kanyang anak nang magsimula ang apoy sa harapang bahagi ng bahay.

Kalaunan, nagising ang may-ari at napansin ang sunog na kumakalat na sa ilang bahagi ng kanilang tahanan.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection katuwang ang Mangaldan Municipal Police Station at idineklarang fire out ang insidente bandang alas-3 ng madaling araw.

Ayon sa mga awtoridad, wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Gayunpaman, tinatayang umabot sa humigit-kumulang ₱15,000 ang halaga ng pinsalang idinulot ng sunog.

Sa kasalukuyan, patuloy pa ring iniimbestigahan ang pinagmulan ng apoy.

Facebook Comments