Dinepensahan ni Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia sa pagdinig sa Kamara ang sunud-sunod na aksidente ng pagbangga ng mga bus sa barriers sa EDSA.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, nakwestiyon ng Chairman ng komite na si Samar Representative Edgar Mary Sarmiento ang paglalagay ng mga barrier na itinuturing na dahilan ng mga aksidente gayundin ang speed limit ng mga bus sa EDSA.
Paliwanag naman ni Garcia sa mga kongresista, ‘isolated incident’ lamang ang mga naganap na aksidente sa major thoroughfare.
Depensa ng MMDA, mula June 1, 2020 nang payagan muli ang pagbiyahe sa EDSA ay anim lamang ang naitalang aksidente sa bus mula sa 30,000 bus trips, habang 39 naman ang naitalang aksidente mula sa 5 milyon motorcycle at private vehicle trips sa loob ng isang buwan.
Nilinaw pa ni Garcia na pawang mga naka-inom, nagtetext at wala sa focus ang mga naitala nilang aksidente sa EDSA kung saan walang kinalaman ang paglalagay nila ng barriers.
Hindi rin aniya dapat isisi ang mga aksidente sa paglilipat ng lane ng bus sa EDSA dahil sumusunod sa international standard ang sukat ng bus na 2.5 hanggang 2.8 meters sa 3.5 meters naman na sukat ng lane.
Umapela naman si Robert Siy ng Move as One na huwag lamang basta ilagay sa may guhit ng kalsada ang barrier at magtakda ng fixed reference point o additional space sa barrier upang hindi nito nasasakop ang lane na sakto lamang ang sukat sa mga dumadaan na bus.