Sunud-sunod na pagpatay sa mga abogado at pagbabanta sa mga hukom, mahigpit na kinondena ng Korte Suprema

Mahigpit na kinondena ng Korte Suprema ang serye ng mga pagpatay sa mga abogado at ang pagbabanta sa mga huwes.

Sa statement na binasa ni Supreme Court Spokesperson Atty. Brian Hosaka, inihayag nito na maituturing na assault sa hudikatura ang mga pagbabanta sa mga hukom at mga abogado.

Sinabi pa ni Hosaka na ang bawat pagbabanta sa mga abogado ay mistulang paghadlang sa kanilang tungkulin na gampanan ang kanilang mga obligasyon na pagkamit ng patas na hustisya sa mga partido o sa parte ng nasasakdal at ng biktima.


Kinikilala rin aniya ng Supreme Court ang katapangan ng mga huwes at mga abogado na ipagpatuloy ang kanilang obligasyon sa bayan kahit na nalalagay sa peligro ang kanilang mga buhay.

Tiniyak din ng Kataas-Taasang Hukuman na kaisa sila ng mga abogado at hukom.

Mananaig din aniya ang supremacy ng Saligang Batas sa kabila ng mga pagbabanta sa kanilang mga kabaro at tinitiyak nila sa publiko na ipagpapatuloy nila ang pagtupad sa tungkulin nang buong tapang.

Nanawagan din ang Supreme Court sa Hudikatura at sa mga kasamahan nila sa legal profession na manatiling matatag at matapang sa kanilang pagtupad sa sinumpaang tungkulin.

Facebook Comments