Pinasisilip ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang sunud-sunod na shutdown sa mga planta dahilan kaya inilagay sa Yellow at Red Power Alert status ang ilang bahagi ng Luzon.
Ikinakabahala ng mambabatas na posibleng ulitin nanaman ang nangyaring sabwatan ng mga power industry players noong 2013 kung saan sunud-sunod din ang mga power outages na muntik nang mauwi sa pagtaas ng singil sa kuryente.
Giit ni Zarate, dapat na mabusisi ang nangyayaring shutdown ng mga power plants dahil posibleng gawin ulit ang nasabing modus para tumaas ang singil sa kuryente at maipasa nanaman ang iba pang rates sa mga consumers.
Pinakikilos din ng kongresista ang Energy Regulatory Board (ERC) at Philippine Energy Market Corp. (PEMC) na tingnan kung may nangyayari bang sabwatan at manipulasyon sa merkado sa pagitan ng mga power industry players.
Aabot sa limang power plants ang naiulat na may unplanned outages na nagresulta sa red power alert status at pagtaas ng presyuhan ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).