Supek sa ‘Vaccination Slot for Sale’, hawak na ng mga otoridad

Inilagay na sa kustodiya ng Mandaluyong City Police ang suspek sa ‘Vaccine Slot for Sale’.

Ito’y matapos kusang sumuko si Kyle Bonifacio kina Mandaluyong Mayor Menchie Abalos at sa asawa nitong si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos.

Isasailalim pa sa mas malalimang imbestigasyon si Kyle at pinag-aaralan ngayon ang posibleng pagsasampa laban sa kaniya ng kasong bribery at paglabag sa Bayanihan law.


Ayon naman kay Chairman Abalos, walang kamalay-malay ang mga magulang ni Kyle sa aktibidad nito. Mangiyak-ngiyak pa umano ang mga ito nang makaharap ng mag-asawang Abalos.

Tiniyak naman ni Mayor Abalos na mabibigyan ng due process si Kyle at maglalabas sila ng update. Lahat aniya ng nabakunahan sa lungsod ay kwalipikado at naka-rehistro.

Sa pulong balitaan, itinatanggi ni Bonifacio na nagbebenta siya ng slots ng bakuna.

Ani Kyle, kumpiyansa siya na wala siyang kasalanan at kusa siyang lumutang upang matapos na ang usapin.

Wala rin umano siyang koneksyon sa Local Government Unit (LGU) maliban sa ang kaniyang ama ay isang barangay kagawad.

Facebook Comments