Super Coalition Against Divorce o SCAD, binuo sa Diocese of Novaliches

Mariing tinututulan ng iba’t ibang grupo ng Simbahang Katolika ang kontrobersiyal na Divorce Bill na isinusulong ngayon sa Kongreso.

Ngayong Lunes ng hapon, naglabas ng manifesto ang iba’t ibang grupo sa pamamagitan ng Family and Life Commission (FLC) ng Diocese of Novaliches.

Layin nitong ipakita ang pagkontra ng Simbahan sa panukala na lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara noong May 22.


Kabilang sa mga grupong lumahok ang Couples for Christ, Pro Life Philippines, Catholic Faith Defenders, Commission on Family & Life ng Roman Catholic Archdiocese of Manila at Focolare Families at iba pang grupo.

Dahil dito, binuo ang tinatawag na Super Coalition Against Divorce na haharang sa layunin ng ilang mambabatas na hayaang mawasak ang mga pamilya dahil sa isinusulong na panukala.

Hinikayat naman ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mga mananampalatayang Katoliko na huwag bumitaw sa adbokasiya kahit na hindi madali ang pagdaraanang proseso.

Kasama sa dumalo ang mga kinatawan ng iba’t ibang Archdiocese at Diocese sa bansa.

Facebook Comments