Thursday, January 15, 2026

Super health center sa Antipolo, Rizal na nakatengga ng isang taon, agarang binuksan nang puntahan ni DOH Sec. Herbosa

Agarang binuksan ang Antipolo Super Health Center sa Rizal matapos na malamang bibisitahin ito ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa ngayong umaga.

Ang nasabing super health center ay napag-alaman na isang taon nang nakatengga magmula ng matapos na itayo noong July 2024 at i-turnover September nakaraang taon.

Ayon sa report na isinumite ng DOH-Region 4A sa DOH Central Office na humingi ng pondo ang LGU sa Health Department ng mahigit 6.4 million pesos para sa Phase 1 at ₱4.9 million sa Phase 2.

Samantala, nagpondo rin at nai-deliver ng DOH ang ₱7 million na halaga ng mga equipment sa nasabing super healthcenter noong 2022 at 2023 na hiningi rin ng lokal na pamahalaan sa ahensiya.

Pero lumabas sa quarterly monotoring at imbestigasyon ng DOH na hindi pa rin ito naging fully operational ngayong taon kahit na nakumpleto na ito.

Ayon sa isa sa mga tauhan ng naturang super health center na kaya hindi nila ito nabuksan kaagad ay dahil sa kanilang hinihintay pang mga furnitures at kakulangan ng mga tauhan sa Human Resource.

Sa ngayon ay may dalawang doktor at tatlong nurses ang super health center na bukas Lunes hanggang Martes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Dahil sa pagsuyod ng DOH sa mga super health centers, inaasahang bibilis ang proseso ng local government unit para gawing operational ang mga nakatenggang istraktura.

Facebook Comments