Rumesponde ang Super Huey Helicopter ng Philippine Air Force (PAF) sa dalawang magkasunod na forest fire na nangyari sa Mt. Camisong sa Itogon, Benguet at sa Brgy Adonot, Bokod, Benguet.
Ayon kay PAF Public Affairs Office Chief Col. Ma. Consuelo Castillo, agad na idineploy ang eroplano sa pangunguna ng 505th Search and Rescue Group ng PAF.
Ani Castillo, nagsagawa ng heli bucket operations ang kanilang eroplano kung saan sa Sto. Tomas Water Reservoir at Banao River kumuha ng tubig na ginamit pamatay ng sunog sa kabundukan.
Kasunod nito, agad na nakipagpulong ang Tactical Operations Group 1 sa ilalim ng Tactical Operations Wing Northern Luzon ng PAF sa Civil Defense Cordillera, Bureau of Fire Protection (BFP) at local government agencies upang pag-usapan ang fire suppression strategies.
Sa pinakahuling impormasyon, walang naitalang casualties sa nasabing forest fire kung saan patuloy pang inaalam ng BFP ang mitsa ng sunog.
Nabatid sa datos ng BFP, 33 na ang naitala nilang forest fires sa Cordillera mula January 1 hanggang February 6, 2024.