Manila, Philippines – Posibleng magkawatak-watak ang “super majority” sa Kamara kapag hindi pa makikialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa umiinit na karera sa house speaker ship.
Ayon kay Albay Representative Joey Salceda – nakasalalay sa Pangulo ang kahihinatnan ng mayorya.
Kahit ang PDP-Laban ay opisyal na ineendorso si Marinduque Representative Lord Allan Velasco sa posisyon, ilan sa mga miyembro nito ay may kanya-kanyang manok.
Bukod kay Velasco, sinusuportahan din si Leyte Representative Martin Romualdez at kay Davao del Norte Congressman Pantaleon Alvarez.
Kilalang kaalyado rin ng Pangulo si Taguig Representative Alan Peter Cayetano ng Nacionalista Party.
Ang iba naman ay susuportahan si Davao Representative Paolo Duterte.
Ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) naman ay kay Davao Representative Isidro Ungab.
Pambato ng Makabayan bloc si Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate.
Sabi na lamang ni Zarate – sinuman ang manalo sa kanila ay walang katiyakang may magtatagal sa posisyon.
Sa 18th Congress, ang Kamara ay binubuo ng 81 mambabatas mula PDP-Laban, 41 sa Nacionalista Party, 38 sa Nationalist People’s Coalition, 22 sa National Unity Party, 17 sa Liberal Party, 11 sa Lakas-CMD, tatlo sa HNP at 61 mula sa iba’t-ibang partylist.