Supermajority Coalition sa Kamara, inendorso na ituloy ang speakership ni Cayetano; Term-sharing agreement nila ni Velasco, pinaa-abandona!

Nagkaisa ang mga miyembro ng majority at minority blocs sa Kamara na iendorso ang pananatili ni Taguig City Representative Alan Peter Cayentano bilang House Speaker.

Ang mga signatories ay binansagang “Supermajority Coalition”.

Kasabay nito, ipinanawagan din nila ang pag-abandona sa term-sharing agreement sa pagitan ni Cayetano at Marinduque Rep. Lord Alan Velasco.


Samantala, naglabas din ng sariling manifesto ang pinuno ng minority bloc na si Cong. Benny Abante kung saan pinaburan niya ang pagpapatuloy ng speakership ni Cayetano hanggang 2022 dahil pinahihintulutan nito ang partisipasyon ng minorya sa mga usapin sa Kamara.

Bagama’t kinikilala nila ang kapangyarihan ng mayorya na magdesisyon ukol sa House leadership, iginiit ng minorya na hindi ito ang panahon para pagdebatehan ang usapin sa gitna ng pandemya.

Samantala, kuntento rin umano si Pangulong Rodrigo Duterte kay Cayetano bilang pinuno ng Mababang Kapulungan.

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na masaya ang pangulo sa pamumuno ni Cayetano dahil sa mabilis nitong pagpapasa sa 2020 national budget at sa mga batas na kinakailangan sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Para kay Roque, hindi pa napapanahon na magpalit ng liderato lalo na kung mapupunta lamang ito sa baguhan.

Matatandaang mismong si Pangulong Duterte ang nag-endorso ng term-sharing deal sa pagitan nina Cayetano at Velasco.

Facebook Comments