Supermarket sa Santiago City, Inatake ng Mga Kawatan!

Santiago City, Isabela- Isang supermarket nanaman ang nilooban at ninakawan ng hindi matukoy na mga suspek particular sa Camacam St. Centro East, Santiago City pasado alas otso ng gabi, Marso, 24, 2018.

Sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan News sa PNP Station 1 Santiago City, dumaan umano ang mga kawatan mula sa kanal ng Camacam St. drainage hanggang sa matumbok ang kinatatayuan ng gusali.

Napag-alaman ng pulisya na gumamit ng Jack mula sa underground ang mga suspek upang makapasok sa loob ng gusali.


Sa kuha naman ng CCTV footage sa naturang gusali, nang makapasok na ang mga suspek ay winasak ng mga ito ang isa sa mga nakakabit na CCTV at tuluyang sinira ang Vault na nasa loob ng gusali.

Sa ngayon ay hindi pa umano matukoy ang buong halaga ng natangay ng mga kawatan.

Narekober din mula sa pinangyarihan ang isang piraso ng Oxygen tank, isang pirasong Jack, isang pirasong galvanize cutter, isang pirasong steel saw at steel saw blade, dalawang pirasong Screw, pointed steel bar at dalawang piraso ng kahoy.

Mayroon din umanong dalawang Security Guard na nakabantay sa gusali subalit hindi umano nila napansin ang panloloob ng mga suspek.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang hepe ng naturang himpilan subalit aniya, Kasalukuyan na ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang matugis ang mga kawatan.

Facebook Comments