Supermarkets, pinagtatayo ng drive-thru at pick-up service

Inirekomenda ni House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Representative Niña Taduran na magtayo ang mga supermarket sa bansa ng drive thru at pick-up service.

Ayon kay Taduran, isinusulong niya ito dahil nakikita niya kung gaano katagal na naghihintay sa linya ang mga tao bago makapasok sa supermarket bilang pagsunod sa quarantine protocols.

Iminungkahi nito sa mga may-ari ng supermarkets ang pagbuo ng isang online portal kung saan mamimili ng kanilang bibilhin ang publiko at sa pamamagitan ng online rin babayaran ang kanilang pinamili.


Pagkatapos ng pamimili online ay maaaring kunin na lang ng customer ang kanilang pinamili sa drive-thru.

Ang mga wala namang sariling sasakyan ay maaaring kunin ang kanilang pinamili na nakaayos na sa counter ng grocery store.

Bukod sa makakaiwas ang marami sa pagpila ng mahaba at sa tsansang mahawa ng COVID-19 ay makakatulong din ito sa ekonomiya dahil mas magiging madali na para sa publiko na bumili ng kanilang mga produkto.

Facebook Comments