Cauayan City, Isabela- Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang Engineer matapos sumalpok ang minamaneho nitong pick-up sa isang 18-wheeler truck sa kahabaan ng Maharlika Highway, Babayuan, Amulung Cagayan ngayong araw, June 30, 2021.
Batay sa imbestigasyon ng Amulung Police Station, nakilala ang biktima na si Mario Usal, isang supervisor sa kilalang trading company na nakabase sa Tuguegarao City at residente ng Macanaya, Aparri, Cagayan.
Pasado alas-2:30 ng hapon kanina, binabagtas ng biktima ang hilagang direksyon ng naturang daan ng mag-overtake sa isang multicab na muntikan na ring mabangga ang patrol car ng Aparri Police Station hanggang sa tuluyan ng sumalpok sa trailer truck.
Dahil sa matinding aksidente, nawasak ang harapang bahagi ng sasakyan ng biktima dahilan para magtamo ito ng malubhang sugat sa katawan.
Sa ulat ng rescue team ng LGU Amulung, wala namang natamong sugat sa katawan ang driver ng 18-wheeler truck.