Walang magiging epekto sa suplay at sa presyo ng asukal sa bansa ang mga pag-ulang idinulot ng habagat at ng Bagyong Egay.
Ito ang pagtitiyak ng Sugar Regulatory Administration (SRA), sa isang pulong balitaan sa midya.
Ayon kay SRA Administrator Paul Azcona, hindi naman gaanong nakaapekto ang pag-ulan sa mga pananim, at sa halip ay nakatulong pa aniya ito para sa ilang sugarcane farms, kahit pa nakaranas din ng mga pag-ulan ang mga tubohan sa Negros.
Aniya, sapat ang kasalukuyang suplay ng raw at refined sugar sa bansa kaya walang dahilan para magtaas ang presyo nito sa merkado.
Dagdag pa ni Azcona, magsisimula na rin ang milling season sa September 1, kung kaya’t inaasahang madaragdagan ang lokal na suplay ng asukal.
Samantala, sa kasalukuyan ay nananatili pa rin sa ₱85 hanggang ₱110 ang kada kilo ng presyo ng asukal sa mga pamilihan.