SUPLAY NG BIGAS | Mga bigas na naka-tengga sa Subic Bay Freeport, cleared na

Nakumpleto na ng plant quarantine service ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang treatment sa mga binukbok na bigas na naka-tengga sa Subic Bay Freeport.

Ayon kay Regional Manager Ronnie M. Manuel, nag-isyu na sila ng sertipikasyon na ang rice shipment mula sa Thailand ay ‘fit for human consumption’ na o ligtas nang kainin ang nasa 132,400 bags ng rice shipment.

Bago maglabas ng clearance, kumuha ng rice samples ang mga tauhan ng BPI mula sa cargo hold ng barkong M/V Gazi at isinailalim sa inspeksyon, eksaminasyon at sensory evaluation at pumasa ang mga ito sa quality specifications at standards.


Sakaling bumuti ang kalagayan ng panahon sa mga susunod na araw ay uumpisahan na ang unloading ng rice shipment na idi-diretso sa iba’t-ibang NFA warehouses sa central Luzon.

Ang kargamento ay bahagi ng kabuuang 160,000 bags ng bigas na magpapataas sa inventory ng NFA rice sa Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Zambales, Tarlac, Bataan at Aurora.

Dahil dito, inaasahan na hindi na magkakaroon ng problema ang consumers sa ‘access’ sa mura pero dekalidad na bigas.

Facebook Comments