SUPLAY NG BIGAS | NFA, mag-aangkat muli ng bigas

Manila, Philippines – Sa ikatlong pagkakataon, nakatakda muling mag-angkat ang gobyerno ng bigas ngayong taon.

Ito ay matapos magbigay ng ‘go signal’ ang National Food Authority (NFA) council sa pag-aangkat ng bigas.

Aabot sa 250,000 metric tons ang aangkating bigas para mapababa ang presyo at mapalakas ang imbentaryo ng bigas sa bansa.


Ang latest importation ay magdadala ng kabuoang 750,00 metric tons ng bigas para sa 2018.

Ayon kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, inihahanda na nila ang terms of reference para rito.

Aniya, posibleng gawin itong government-to-private scheme.

Maliban rito, sabi pa ni Estoperez, magdadagdag rin sila ng suplay ng NFA rice sa mga palengke.

Umaarin rin ang NFA na makatutulong ang bigas na makukuha sa anihan nitong Setyembre.

Hindi naman kinumpirma ni Estoperez kung ito na ang huling pag-aangkat ng Pilipinas ng bigas ngayong taon.

Nais ng NFA na magkaroon ng 500,000 metric tons ng imported rice sa second half ng taon pero aabot lamang sa 250,000 metric tons ang inaprubahan.

Giit ni Cathy Estabillo, tagapagsalita ng grupong Bantay Bigas, pagkontrol sa presyo ng bigas dapat maging ang solusyon ng NFA.

Naniniwala naman si Anakpawis Representative Ariel Casilao na dapat bigyan ng supplemental budget o karagdagang pondo ang NFA para makabili ng palay sa mga lokal na magsasaka ngayong panahon ng ani.

Facebook Comments