Aasahang mas marami ang suplay ng bigas sa bansa simula ngayong buwan hanggang katapusan ng taong ito.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Dir. Gerald Glenn Panganiban ng Department of Agriculture- Bureau of Plant Industry (DA-BPI) na nasa 1.9 milyong metriko tonelada ng bigas ang madaragdag sa suplay bigas sa bansa ngayong buwan ng Oktubre.
Kaya naman ayon kay Panganiban, inaasahang mula 50 hanggang 52 days nitong nakaraang buwan ng Setyembre ay tataas sa 74 days ang panahong sasapat ang suplay ng bigas sa bansa.
Hinihintay rin ng DA ayon kay Panganiban ang mas maraming ani ng palay ngayong buwan hanggang Disyembre kaya aasahang mas magiging stable ang suplay ng bigas.
Setyembre 5 nang maglabas ng Executive Order No. 39 si Pangulong Bongbong Marcos na nagtatakda price caps sa regular-milled rice na ₱41 kada kilo at ₱45 kada kilo para sa well-milled rice.