Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mayroong sapat na suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng nararanasang epekto El Niño phenomenon.
Ayon sa pangulo, sapat ang suplay ng pagkain at bigas dahil na rin sa makabagong farming techniques at mas maayos na irrigation system.
Ayon sa pangulo sa katunayan, sa mga lugar na mayroong patubig ay tumaas pa ang ani.
“Pero siyempre, marami pa. Kagaya dito, siguro mga 50 porsyento lamang ang irrigated at so, ‘yung iba talagang nahihirapan. Dito sa Occidental Mindoro, ang calculation namin, one percent lamang nung mga irrigated lands ang naapektuhan ng El Niño na talagang kailangan ng tulong,” ayon sa pangulo.
Sinabi ng pangulo na minamadali na din ng gobyerno ang paglalagay ng solar pumps sa mga upland non-irrigated areas.
“Marami tayong binigay, dinadala na post-harvest facilities para imbes na ginigiling pa ‘yung palay — malayo pa ang dinadalhan, kung saan-saan pa dinadala — dito na gagawin para malaki ang kikitain ng farmer,” dagdag pa ng pangulo.
Ayon sa National Irrigation Administration (NIA) sa mga probinsya na labis na apektado ng El Niño ay nag-deploy ng tatlong long-arm backhoes at isang wheel-type backhoe para makapagsagawa ng canal clearing at desilting works.
Namahagi din ng 1,200 na litro ng diesel sa mga magsasaka na apektado ng tagtuyot para magamit nila sa diesel-powered water pumps.
Sinabi ng NIA na nakapagtayo din ng 18.06 kilometers na concrete irrigation canal at 64 units ng canal structures para sa mas maayos na delivery ng irrigation water.