
Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na may sapat pangsuplay ng bigas ang buong bansa hanggang sa matapos ang Semana Santa.
Sa press briefing sa Malacañang sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson, na may 358,000-metric tons ng bigas ang gobyerno o katumbas ng 7.16 milyong sako, na sapat sa loob ng higit siyam na araw.
Ayon pa kay Lacson, nakatutok din sila na madagdagan pa ang buffer stock ng bigas na sasapat hanggang 15 araw, alinsunod sa Rice Tariffication Law.
Mangangailangan aniya ng P8 billion para makumpleto ang buffer stock ng bigas na sasapat sa 15 araw.
Gayunpaman, hindi naman ikinokonsidera ng NFA ang paghingi ng dagdag pondo dahil maaari naman silang kumita at makabili ng palay kung maibebenta ang mga nakaimbak na bigas sa mga bodega.
Sa kasalukuyan, nasa 20,000 na sako ng bigas na ang nailalabas ng NFA sa kanilang mga bodega dahil sa pagbili ng mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng food security emergency.