Suplay ng buko nagkakaubusan na; presyo nito, nadoble ilang araw bago ang Bagong Taon

Magkukumahog na ang ating mga kababayan upang makabili ng buko kaya’t tumaas ang presyo nito na umabot na sa 60-pesos ang presyo ng kada piraso ng buko.

Sa isang malaking tindahan ng buko sa T. Gener Street Kamuning QC ay malabo nang makarating ang suplay ng buko para ngayong Bagong Taon.

Ang buko na ginagawang salad ang isa sa mga inihahanda ng mga Pilipino sa pagsalubong ng Bagong Taon.


Ayon kay Anthony Oliva, ang tindero ng buko, walang maibagsak na buko ang supplier nila na galing ng Quezon Province.

Paliwanag ni Oliva, iniipit na rin daw ng mga biyahero ang suplay ng buko na pang-salad at ilalabas lamang sa isang araw bago ang Bagong Taon.

Ito aniya ang dahilan kung bakit bibihira na ngayong makita ang pang-salad na buko at kung mayroon man ay mataas ang presyo at nagkakaubusan na dahil marami ang bumibili nito.

Facebook Comments