Kumpyansa si People’s Participation Chairperson at San Jose del Monte City Rep. Florida Robes na madaragdagan na ang suplay ng COVID-19 vaccines sa bansa matapos na gawaran ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authorization o EUA ang Sputnik V ng Russia.
Ayon kay Robes, welcome ang pagbibigay ng FDA sa Sputnik V ng EUA dahil bukod sa mga naunang suplay ng bakuna na Sinovac at AstraZeneca ay madadagdagan ng bakuna ang bansa at mas malaki ang tsansa na makamit ang herd immunity.
Ikinatuwa rin ito ng kongresista dahil ang Sputnik V ay kinakitaan ng magandang efficacy para sa mga senior citizens.
Una nang sinabi ni Russian Deputy Chief of Mission to the Philippines Vladlen Epifanov sa pagdinig ng House Committee on People’s Participation na mayroong efficacy rate ang Sputnik V ng hanggang 91.8% para sa mga nabakunahan na may edad 60 taong gulang pataas.
Sinabi naman ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na posibleng sa Abril ay makapagpadala na ang Russia ng inisyal na 2 million doses ng bakuna.
Samantala, umaasa naman si Robes na matutuloy rin ang proposals na makapagtayo ng sariling manufacturing hub ng bakuna ang Pilipinas para mapalakas ang kakayahan ng bansa na gumawa hindi lang ng COVID-19 vaccine kundi ng iba pang bakuna sa hinaharap.