Suplay ng isda, pinapalabas lang na kapos para mabigyang katwiran ang importasyon

Iginiit ni Committee on Economic Affairs Chairperson Senator Imee Marcos na may sapat na supply ng isda sa bansa at papatayin lang ng importasyon ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.

Dahil dito ay pinagpapaliwanag ni Marcos ang Department of Agriculture (DA) kung bakit nagkunwaring kapos ang supply ng isda sa bansa para mabigyang katwiran ang importasyon ng 60,000 metriko tonelada ng isda.

Una nang ikinatwiran ng DA na pininsala ng Bagyong Odette ang sektor ng pangisda noong nakaraang Disyembre kaya inihirit ang importasyon ng galunggong, sardinas at mackerel habang umiiral ang taunang fishing ban mula Nobyembre hanggang Pebrero.


Pero giit ni Marcos, may sapat na supply tayo ng isda mula sa mga hindi pa naibentang naka-imbak noong 2021 at nakatakdang i-deliber hanggang Marso bukod sa matatapos na rin ang closed fishing season.

Kinwestyon ni Marcos bakit nagbingi-bingihan ang DA sa nagkakaisang rekomendasyon ng National Fisheries and Aquatic Resources Management Council na wala namang pangangailangan para mag-isyu ng certificate of necessity to import sa unang quarter ng 2022.

Dahil dito ay maghahain si Marcos ng Senate Resolution para imbestigahan o busisiin ang nasabing usapin.

Facebook Comments