Suplay ng karne ng baboy, posibleng magkulang ngayong holiday season dahil sa epekto ng ASF

Inaasahan ng Department of Agriculture (DA) na magkakaroon ng kakulangan ng suplay ng karne ng baboy ngayong holiday season dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF).

Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Undersecretary for Livestock William Medrano na asahan na ang deficit sa suplay hanggang sa huling bahagi ng 2020.

Aniya, dulot ito ng maraming piggeries na hindi nagsagawa ng re-stocking dahil sa pangambang mamatayan lang ng baboy.


Hinahabol ngayon ng ahensya na gawing agresibo ang repopulation partikular sa mga green zone areas tulad ng Visayas at Mindanao.

Sa ngayon ay problema pa rin ang ASF kung saan 262 na probinsiya ang apektado.

Isa sa nakikitang dahilan ni Medrano sa paglala ng ASF ay ang pagpupuslit ng mga pasaway na traders ng mga karneng infected ng ASF.

Giit ni Medrano, kinakailangan ang pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan para higpitan ang movement ng kakataying baboy sa kanilang nasasakupan.

Facebook Comments