
Pansamantala munang walang suplay ng kuryente ang ilang lugar sa bansa partikular na dito sa Metro Manila dahil pa rin sa nararanasang mga pagbaha.
Ayon sa situation report na inilabas ng Department of Energy (DOE), malaking porsyento ng mga apektadong konsyumer ay mula sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 78,322.
Nakararanas ng power outage ang kabuuang 131,392 na mga consumer ng Manila Electric Cooperative (Meralco) dahil sa epekto ng malawakang pagbaha at mabibigat na pag-ulan sa Metro Manila.
Sinundan naman ito ng Cavite na mayroong 23,489 nang apektadong consumer, at Bulacan na mayroong 23,203 na apektadong consumers.
Una nang sinabi ng naturang power company na sinimulan na nilang mag de-energize o pansamantalang putulin ang supply ng kuryente sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha bilang proteksyon sa mga residente.
Matatandaaang may isang lalaki ang nasawi dahil nakuryente sa paglusong ng baha sa Malabon City.
Samantala, umabot naman sa 152,647 ang kabuuang bilang ng mga power consumer na apektado sa buong bansa.
Binabantayan din ng DOE ang dalawang electric cooperative sa Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sa mga partial power interruption.
Pagtitiyak ng ahensya stable at sapat ang supply ng enerhiya sa buong Pilipinas habang ang mga bulk downstream oil at gas facilities ay patuloy naman ang operation.









