Walang nakikitang problema ang Department of Energy (DOE) sa suplay ng langis sa bansa.
Pagtitiyak ito ni DOE Asec. Gerardo Erguiza Jr., sa kabila ng naitatalang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa kasalukuyan.
Sa Laging Handa Public press briefing, sinabi ng opisyal na bagama’t hindi mako-kontrol ang galaw ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, ang DOE aniya ay gumawa na ng mga hakbang upang matiyak ang suplay nito sa bansa.
Kabilang na rito ang ibinabang direktiba ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa mga oil company na sundin ang minimum inventory requirement, alinsunod sa inaasahang global demand sa langis sa fourth quarter ng taong kasalukuyan.
Aniya, sa pagkakaroon ng stock ng mga oil company, masi-siguro ang local stock ng bansa at makatutulong ito sa pagpapagaan ng posibleng pagtaas pa ng presyo ng krudo sa hinaharap.