Nananatiling mataas ang kaso ng COVID-19 ngayon sa Zamboanga City.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Atty. Kenneth Beldua, ang spokesperson ng Zamboanga City Task Force COVID-19 na nasa 17,882 ang kaso sa lalawigan kung saan 2,551 ang mga active cases at nananatiling nasa kritikal sa 86% ang kanilang hospital care utility rate.
Ayon kay Beldua, nagkukulang na ang oxygen supply sa Zamboanga dahilan kung bakit hindi na rin ma-admit ang mga pasyente sa COVID-19 referral hospitals.
Maliban sa oxygen kulang na rin ang mga Intensive Care Unit (ICU) at COVID-19 beds doon.
Kasunod nito, nakipag-ugnayan na aniya ang lokal na pamahalaan sa iba pang supplier ng oxygen nang sa ganon ay matugunan ang nasabing kakulangan.
Maging sa National Task Force (NTF) ay nakipag-ugnayan na rin ang pamahalaang lokal ng Zamboanga para masolusyunan o maagapan ang tuluyang pagsirit ng kaso ng COVID-19.
Ikinonvert na rin nila ang ilang isolation facilities sa step-up facility na paglalagakan ng mga mild to moderate COVID-19 patients para ang mga critical at severe patient na lamang ang dadalhin sa mga ospital.