Suplay ng pagkain sa bansa, sapat sa kabila ng pinsalang iniwan ng Bagyong Odette

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng pagkain sa bansa sa kabila ng pinsalang idinulot ng Bagyong Odette.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DA Asec. Arnel de Mesa na hindi naman naapektuhan ng bagyo ang mga rehiyon sa Luzon kung saan nanggagaling ang karamihan ng mga agricultural products.

Gayunman, aminado si De Mesa na maaari lang makaranas ng delay sa pagbiyahe ng mga produkto dahil apektado rin ng bagyo ang mga pier sa Visayas at Mindanao.


“Yung Region 3, yung major supplier natin and then yung Cordillera hindi naman po naapektuhan. Yung atin pong mga karne ng baboy na galing sa ibang bansa ay nasa mga pantalan na po natin sa Metro Manila kaya enough na rin po yung suplay natin dito sa ating bansa,” ani De Mesa.

“Makaka-expect lang po tayo ng konting delay sa movement dahil naapektuhan po yung ilang pier at atin pong puerto, pero pinapakilos na naman po sa utos ng ating Pangulo na pakilusin yung ating mga barko para maipadala yung mga pagkain,” dagdag niya.

Kasabay nito, tiniyak ng DA na may reserve funds na ang ahensya na gagamitin para ayudahan ang mga mangingisda at magsasakang naapektuhan ng Bagyong Odette.

Facebook Comments