Suplay ng puti at pulang sibuyas, kukulangin sa mga susunod na buwan – BPI

Magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng puti at pulang sibuyas sa mga susunod na buwan sa bansa.

Ito ang inihayag ni Bureau of Plant Industry (BPI) Spokesperson Jose Diego Roxas sa Laging Handa public briefing.

Ayon kay Roxas, mula sa susunod na buwan hanggang Disyembre ay hindi na anihan ng sibuyas kaya kukulangin ang suplay.


Buwan ng Enero sa susunod na taon pa ayon kay Roxas magsisimula ang anihan ng sibuyas.

Dahil dito ay ikinokonsidera ngayon ang importasyon ng puti at pulang sibuyas pero kokontrolin pagsapit ng anihan ng lokal na produksyon upang hindi maapektuhan ang kita ng mga magsasaka.

Kaugnay nito, inihayag naman ng Presidential Communications Office na ngayon ay masusing pinag-aaralan at tinitingnan ng Department of Agriculture ang gagawing pag-aangkat ng sibuyas sa harap na rin ng pagtaas ng presyo ng sibuyas sa merkado.

Batay sa DA, posibleng umabot sa 22,000 metric tons ang import volume ng sibuyas katumbas ng isang buwang suplay.

Sa ngayon, nasa P160 hanggang P200 ang presyo kada kilo ng pulang sibuyas, P150 hanggang P200 kada kilo naman sa puting sibuyas.

Facebook Comments