Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na may sapat pa ring water supply sa Metro Manila sa kabila ng nararanasang El Niño phenomenon.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DENR Usec. Dr. Carlos David na nasa 185 meters naman ang lebel ng tubig sa Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa kalakhang Maynila.
Mas mataas pa rin aniya ito ng 5 metro sa minimum operating level na 180 meters.
Ayon kay David, sapat ang suplay na ito sa Metro Manila para sa buwan ng Mayo at Hunyo bago dumating ang tag-ulan sa Hulyo.
Gayunpaman, aminado si David na problema pa rin ang mabilis na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa matinding init ng panahon at pagtaas ng water consumption sa Metro Manila.
Ito aniya ang tinututukan ng pamahalaan para maitawid ang suplay ng tubig ng mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga na kumukuha rin sa Angat Dam.