
Mas lumalakas ang suporta at mga ebidensya kaugnay sa mga alegasyong nakapaloob sa mga impeachment complaints na kinakaharap ni Vice President (VP) Sara Duterte.
Sinabi ito ni House Committee on Justice Vice Chairperson at San Juan Representative Ysabel Maria Zamora sa harap ng hiling ng kampo ni VP Duterte sa Supreme Court na ihinto ang impeachment proceedings sa Kamara.
Ayon kay Zamora, inaasahan na nila ang nabanggit na hakbang ng defense team ni VP Duterte at natural lamang sa mga abogado na gamitin ang lahat ng legal na remedyo para sa kanilang kliyente.
Pero diin ni Zamora, hindi maaaring itigil ang proseso ng impeachment dahil ito ay nakabatay sa Konstitusyon at sa umiiral na patakaran ng House of Representatives.
Kaya naman tiniyak ni Zamora na magpapatuloy ang impeachment hearings ng komite, na maikukumpara sa preliminary investigation, na layuning matukoy kung may probable cause ang ikatlo at ika-apat na reklamong impeachment para maiakyat sa Senate Impeachment Court.










