Suporta at tulong ng pamahalaan sa mga apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Negros, tiniyak ni PBBM

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa lahat ng apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon sa Negros na handa at patuloy na nagbibigay ng suporta ang pamahalaan hanggang sa makabalik ligtas ang mga ito sa kanilang mga tahanan.

Sa isang video message, sinabi ng pangulo na nakatutok dito ang PHIVOLCS, NDRRMC, at ang DSWD.

Naka-standby rin ang mga air asset ng pamahalaan para sa mas mabilis na pagresponde.


Iniulat din ng pangulo na nasa 170 pamilya o 796 na katao ang apektado ng pagsabog na agad namang inilikas sa mga evacuation center.

Nakapamahagi naman ang pamahalaan ng mga sleeping kit sa bayan ng La Castillana, habang may 13,000 family food packs na naka pre-positioned sa Negros Island.

May karagdagan pa aniyang 40,000 food packs at non-food items na paparating.

Nanawagan naman ang pangulo sa mga residente na umiwas sa 4 km radius permanent danger zone, at sumunod sa mga payo at tagubilin ng lokal na pamahalaan.

Facebook Comments