Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga miyembro ng diplomatic community na suportahan ang kanyang administrasyon para makamit ang kakalunsad lang na Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 na magsisilbing blueprint ng economic at social transformation sa loob ng susunod na anim na taon.
Isinagawa ng pangulo ang paghikayat sa diplomatic community sa isinagawang Vin d’ Honneur sa Malacañang kagabi.
Sinabi ng pangulo na kailangang magkaroon ng pagkakataon na matalakay ang mga development goals sa pagitan ng diplomatic community at kanilang business sectors dahil makakatulong ito pag-angat pa ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi pa ng pangulo sa isinagawang Von di Honneur na dahil sa Post COVID-19 realities, natukoy na kailangang mabago ang mga stratehiya sa mga urgent concerns na mahalaga sa mga Pilipino dahil magreresulta ito ng food security, job generation, mababawasan ang kahirapan at ma-manage ang inflation.
Ayon sa pangulo, ang mahalagang bahagi ng stratehiyang ito ay patuloy na paghikayat na mga investors sa sektor ng agrikulutra, renewable energy at infrastructure.
Una nang ipinagmalaki ng pangulo ang pagtaas ng Gross Domestic Product (GDP), na umabot sa 7.7 percent sa third quarter ng taong 2022, mas mataas ito sa 5.7 percent growth na naitala sa kaparehong panahon noong 2021.