Kinondena ni Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas ang paggamit ng water cannon ng China Coast Guard o CCG sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy sa West Philippine Sea.
Giit ni Brosas, ang naturang gawain ng CCG ay naghahatid ng panganib sa Filipino service members, hindi katanggap-tanggap at malinaw na paglabag sa mga pandaigdigang batas.
Bunsod nito ay nananawagan si Brosas sa international community na makiisa sa pagsusulong ng Pilipinas sa mahigpit na pagpapatupad ng rules-based international order at pagrespeto sa United Nations Convention for the Law of the Sea (UNCLOS).
Apela rin ni Brosas sa international community, magkaisang igiit ang kapayapaan, katatagan at respeto sa international law na sumasaklaw sa West Philippine Sea.
Suportado rin ni Brosas ang pangamba ng gobyerno ng Australia, Japan, Canada, United Kingdom, at European Union kaugnay sa mga agresibong hakbang ng China na tiyak makakaapekto sa rehiyon.
Bunsod nito ay hiniling ni Brosas sa administrasyon ni Pangulong Fedinand Marcos Jr., na ipaglaban sa China ang kabuhayan, seguridad, at kaligtasan ng mga Pilipino lalo na ang mga mangingisda at mga miyembro ng ating coast guard at navy.