*Cauayan City, Isabela- *Muling hinihikayat ngayon ng City Environment and Natural Resources Office o CENRO ang kooperasyon ng mga Cauayeños bilang pakikiisa sa National Clean up month ngayong buwan ng Septyembre.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Engr. Alejo Lamsen ng CENRO ay magsasagawa umano ng paglilinis ang kanilang tanggapan sa tabing ilog nitong darating na September 15, 2018 particular sa Cagayan River ng Alicaocao Bridge katuwang ang mga non-government na ahensya.
Aniya, marami na umanong mga basura ang nakalat rito na dahilan ng pagbara ng daloy ng tubig kaya’t nararapat lamang umano na matanggal ang mga ito.
Samantala, magsasagawa rin umano sila ng Estero Program sa kada ikalawang linggo ng buwan para maglinis sa mga kanal upang mapanatili itong malinis at hindi pamugaran ng lamok na sanhi ng sakit na dengue.
Nananawagan rin ang tanggapan ng CENRO na maging responsable sa pagtatapon ng mga basura upang mapanatili ang kalinisan dito sa Lungsod ng Cauayan.