Manila, Philippines – Ikinagalak ni Department of Education Secretary Leonor Magtolis Briones ang suporta ng mga mambabatas na nagpahayag ng kanilang intensyon para tulungan ang kagawaran na matugunan ang problema sa kontrobersyal na isyu at itulak na rin ang reporma ng sektor ng edukasyon.
Ayon kay Secretary Briones, isusumite nila ang ulat na 23 natuklasan ng Commission on Audit (COA) na iregularidad sa mga textbooks at maging ang procurement law ay masusi rin nilang busisihin upang magkaroon ng maayos na pag-deliver ng mga serbisyo sa mga mag-aaral.
Paliwanag ng kalihim suportado nito ang solusyon upang matugunan ang problema ng mga allowances ng mga guro at ang kanilang kahilingan na karagdagang sweldo.
Umaasa ang kalihim na maipasa agad ang 36 na panukalang batas na isinampa sa mababang kapulungan ng Kongreso bilang suporta sa panawagan na madagdagan ang mga sahod at benepisyo ng mga public school teachers.
Tinitingnan din aniya ng kagawaran kung papaanong madagdagan ang mga benipisyo ng mga guro nang hindi na kailangang makalikha ng kalituhan sa Civil Service at panukalang makalikha ng positions para sa Teachers IV, V, VI, at VII upang umangat sa mataas na posisyon ang mga teachers.