Suporta ng national government sa BARMM, tiniyak ni Pangulong Marcos Jr., na magpapatuloy

Naglaan ang national government ng 74.4 bilyong pisong pondo para sa Bangsamoro Region para sa 2023.

Sa mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ginanap na inagurasyon ng Bangsamoro Transition Authority Parliament sa Cotabato City ngayong araw, sinabi ng pangulo na patunay ito na tuloy-tuloy ang pagsuporta ng national government sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Siniguro ng pangulo na makukumpleto ang mga programang sinimulan nang ipatupad sa BARMM ito ay ang PAMANA program o Payapa at Masaganang Pamayanan program.


Ang PAMANA program ay proyekto ng national government sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Services (DSWS) na layuning makapagbigay ng basic services sa mga lugar na apektado ng giyera.

Sinabi pa ng pangulo na mula 2017 hanggang ngayong taon ay mayroong higit 19 bilyong pisong pondo ang inilaan ng gobyerno para sa PAMANA program sa BARMM kahit pa naantala ang mga ito dahil sa COVID-19 pandemic.

Kaugnay nito, hinimok ng pangulo ang BARMM na ipasa ang lahat ng mahahalagang panukalang batas kaugnay sa fiscal policy ng rehiyon lalo na sa larangan ng pagbubuwis at ang pagsasagawa ng eleksyon sa BARMM sa taong 2025.

Bukod dito, importante rin ayon sa pangulo na magpasa ng batas na titiyak sa kapakanan ng Moro people lalo na sa sektor ng agrikultura, pangisda, healthcare, transportasyon, komunikasyon, digital infrastructure at e-governance.

Facebook Comments