Nangako ang Kamara na patuloy na susuportahan ang Gilas Pilipinas at lahat ng mga manlalaro na kakatawan sa Pilipinas sa international events.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, bukod sa pagbibigay ng tulong ay maaari ding suportahan ng Kamara ang mga atletang Pilipino sa pamamagitan ng pagpasa ng mga panukalang batas na para sa kanilang kapakanan.
Binanggit ni Romualdez na maaari ding makipagtulungan ang Kamara sa iba’t ibang organisasyon para matugunan ang pangangailangan ng ating mga atleta.
Inihayag ito ni Romualdez makaraang manalo ang Gilas Pilipinas kontra Latvia sa 2024 FIBA Olympic Qualifying Tournament noong Huwebes.
Diin ni Romualdez, hindi lang ito tagumpay ng Gilas kundi isang panalo para sa puso ng bawat atletang nangangarap na irepresent ang Pilipinas sa pandaigdigang kompetisyon.
Ayon kay Romualdez, inspirasyon din ito sa marami nating kababayan na magpursige dahil iba ang talento ng mga Pilipino.