Pinalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang suporta sa mga barangay tanod sa lalawigan matapos ilunsad ang kauna-unahang pamamahagi ng amelioration incentive para sa mga kasapi ng Civilian Volunteers Organizations (CVOs) mula sa iba’t ibang bayan sa Ika-apat na Distrito.
Isinagawa ang pamamahagi sa Macario Ydia Development Center (MYDC) sa Mangaldan, kung saan libu-libong CVOs mula sa Manaoag, Mangaldan, San Jacinto, at San Fabian ang tumanggap ng insentibo, kabilang ang mahigit 500 benepisyaryo mula sa bayan ng Manaoag.
Itinuturing na makasaysayan ang hakbang na ito sapagkat ngayon lamang nabigyan ng ganitong uri ng insentibo at pagkilala ang mga CVOs sa lalawigan.
Layunin ng programa na ipakita ang konkretong pagpapahalaga sa mga CVOs na nagsisilbing frontliners sa antas ng barangay, lalo na sa panahon ng emergency, pagbabantay sa kapayapaan at kaayusan, at pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa.
Umaasa naman ang pamahalaang panlalawigan na sa pamamagitan ng insentibong ito ay higit pang mapapalakas ang moral, dedikasyon, at boluntaryong serbisyo ng mga CVOs, kasabay ng pagpapatibay ng ugnayan ng pamahalaan at ng mga tagapagbantay ng kaayusan sa lalawigan.







