Sinisiguro ng Bureau of Customs (BOC) ang buong suporta sa mga durian farmer para matulungan ang mga ito na mapaunlad pa ang kanilang sektor.
Sa pahayag ng BOC, hangad rin nila na makarating sa iba’t ibang panig ang produktong agrikultura mula sa ating bansa.
Nabatid na una nang nakipag-ugnayan ang ilang opisyal ng Customs-Port of Davao kasama si Chinese Ambassador Huang Xilian sa mga durian farmer para matulungan sila sa proseso ng pag-export ng kanilang mga produkto at iba pa sa bansang China.
Ang nasabing usapin ay parte ng programa ng embahada ng China para buksan ang kanilang bansa sa pagtanggap ng mga produktong durian.
Maging si District Collector Erastus Sandino Austria ay nakipag-usap na rin sa mga miyembro ng Durian Industry Association sa Davao hinggil sa nasabing plano ng bansang China.
Base na rin ito sa paggabay ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz kung saan ang BOC-Davao sa pamumuno ni Austria ay patuloy na palalakasin at pabibilisin amg mga negosyo para mahikayat ang iba pang foreign investors.