Patuloy na pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte ang mga hakbang upang mapigilan ang paglaganap ng African Swine Fever (ASF) at matulungan ang mga backyard raisers na lubhang naapektuhan ng sakit.
Ayon kay Dr. Modesto O. Laroya Jr. ng Provincial Veterinary Office (PVO), nananatiling apektado ng ASF ang pitong bayan sa lalawigan, dahilan upang magsagawa ng mahigpit na biosecurity measures at culling operations. Noong nakaraang taon, umabot sa 1,600 na baboy ang isinailalim sa depopulation bilang tugon sa outbreak.
Bilang bahagi ng pagpapalakas ng suporta, itinaas at inayos ang indemnification package para sa mga naapektuhang hog raisers—P4,000 para sa weaner piglets, P8,000 para sa growers, at P12,000 para sa breeders na naapektuhan ng ASF.
Bukod sa pinansyal na tulong, inilunsad ang iba’t ibang programa upang muling mapalakas ang swine production sa lalawigan. Kabilang dito ang “Agri Ka Dito!” Program na nagsimula noong 2022, kung saan ipinagkakaloob ang mga livestock tulad ng piglets, kambing, at free-ranged chicken, pati na rin ang production support gaya ng animal feeds, veterinary drugs, at farm equipment tulad ng forage choppers at egg incubators.
Kasabay nito, katuwang ng Ilocos Norte ang Department of Agriculture (DA) sa pagpapatupad ng Integrated National Swine Production Initiative for Recovery and Expansion (INSPIRE) Program, na naglalayong magtayo ng biosecured piggery farms na kayang mag-alaga ng 300 heads ng fattener.
Umaasa ang mga magbababoy na maibabalik ang sigla ng industriya sa mga isinasagawang programa ng gobyerno. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨