Suporta sa mga solo parent tiniyak ni Bong Go; kinabukasan ng kabataan pangunahing isusulong

Personal na nagtungo si Senador Christopher “Bong” Go sa General Santos City para makipagpulong at makinig sa mga hinaing ng solo parents sa epekto sa kanila ng pandemya ng COVID-19 at sa kanilang mga anak.

“Isa ito sa aking advocacy ang tulungan ang mga solo parents na grabe magmahal at magsakripiyo. Hindi basta-basta magpalaki ng anak na walang asawa pero masarap sa pakiramdam na kasama ang ating mga anak at ito ang ang nagpapalakas sa loob niyo, ‘di ba?” sabi ni Go sa kanyang talumpati sa aktibidad.

“Ang importante lumaki ang mga anak natin na masaya at nakapagtapos ng pag-aaral. Kaya naman ako, full support ako sa mga solo parents. Kung may maitutulong ako, sabihan niyo lang ako at gagawin ko ang lahat upang tulungan kayo,” pagtiyak niya.


Namahagi ang senador at kanyang staff ng meals, food packs, vitamins at masks sa kabuuang 1,392 solo parents sa Oval Plaza Gym. Isinagawa ang distribusyon sa pamamagitan ng paggu-grupo bilang pagtalima sa health at safety protocols laban sa COVID-19.

May ilang piling mga magulang na binigyan ng sapatos at bisikleta, maging computer tablets para sa kanilang mga anak na gagamitin sa blended learning activities.

Isang team din mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nagbigay ng financial assistance sa ilalim ng kanilang programa para sa mga indibidwal na nasa krisis.

Ang Department of Agriculture (DA) naman ay nag set up ng community pantry at nag turn over ng isang truck sa local cooperative at bagong bangkang pangisda na may fish cages sa city government. Nagsagawa rin ng assessments sa potential beneficiaries para sa kanilang livelihood training at assistance programs.

Samantala, ang Department of Health (DOH) ay namahagi ng mga gamot at vitamins at nagsagawa ng flu vaccinations. Ang Department of Trade (DTI) and Industry naman at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay nag-assess din ng potential recipients ng livelihood support.

Bilang commitment ni Go sa pagtulong sa mahihirap at mga bulnerable, kaparehong aktibidad ang sabay-sabay na isinagawa para sa 300 biktima ng sunog at 289 displaced workers sa Barangay Calumpang at Pacific Southbay College gyms, sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority at ng Department of Labor and Employment.

“Kung ano ang mga sinimulan ni Presidente (Rodrigo) Duterte, ipagpapatuloy at dadagdagan ko ito. Sisiguraduhin natin na malalampasan natin itong pandemyang ito at mabibigyan natin ng trabaho para hindi magutom ang Pilipino,” pagtitiyak ng senador.

“Kaya plano ko na bigyan ng ayuda o trabaho ang 10 million poorest Filipinos. Iyon ang uunahin ko kasama ang free education. Dapat may isang college graduate per family para makatulong sila sa kanilang mga pamilya. Basta kung ano ang magagandang programa ni Presidente Duterte, ‘yun ang ipagpapatuloy at dadagdagan ko,” pangako niya.

Ipinaalala ni Go, pinuno ng Senate Committee on Health and Demography, sa mga magulang na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagtalima sa health at safety protocols.

“Mayroon ng 133 million na dose ng bakuna ang dumating sa bansa. Nasa datos na ‘pag bakunado kayo, mas protektado ka at maiiwasan mo ‘yung grabeng pagkasakit dulot ng COVID-19. Tingnan niyo sa Metro Manila, more than 90 percent na ang bakunado kaya bumababa ang mga kaso at hinay-hinay na silang nagbubukas,” sabi ni Go.

“Dahil dito, isinusulong ko na bigyan ng insentibo ang mga beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program kasi 84 percent ang hindi pa bakunado. Bibigyan natin sila ng cash incentives kahit P500 lang para maengganyo silang magpabakuna,” dagdag pa niya.

Pinayuhan din ng senador ang mga magulang na humingi ng tulong sa pamahalaan sa pamamagitan ng Malasakit Centers na matatagpuan sa Dr. Jorge P. Royeca Memorial Hospital (DJPRMH) sa lungsod o South Cotabato Provincial Hospital sa Koronadal City.

“Iyong mga solo parents na kailangan ng operasyon, lapitan niyo kami at handang tumulong ang aking opisina. Nandiyan din ang mga Malasakit Center na tutulong hanggang maging zero balance ang inyong billing para wala na kayong babayaran sa inyong pagpapaospital,” paliwanag niya.

Tinapos ng senador ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng pagpuri kina 1st District Representative Shirlyn Bañas-Nograles, Mayor Ronnel Rivera, Councilors Jonathan Blando at Rosalita Nuñez, at iba pang local government officials para sa kanilang serbisyo.

Sa kaparehong araw, Binisita ni Go ang DJPRMH kung saan pinangunahan niya ang pamamahagi ng tulong sa 592 frontline health workers at 100 na pasyente. Sinamahan din niya si Pangulong Duterte at iba pang opisyal ng pamahalaan sa pag-iinspeksyon ng bagong General Santos City Airport at seaport developments sa Port Makar.

Facebook Comments