Lanao Del Sur – 43 piraso ng mga crew serve weapons at mga matataas na
kalibre ng armas ang isinuko ng mga opisyales at residente ng Piagapo,
Lanao Del Sur sa tropa ng Joint Task Force Zampelan kahapon.
Ayon kay Captain Jo-Ann Petinglay ang tagapagsalita ng AFP Western Mindanao
Command alas-2:30 ng hapon kahapon nang isagawa ng hand-over ceremony.
Sinabi naman ni Joint Task Force Zampelan commander at 1st Infantry (Tabak)
Division Commander Major General Roseller Murillo na ang pagsuko ng armas
ng mga ito ay tugon sa kanilang kampanyang mabawasan ang mga loose
firearms at RIDO o clan war sa lugar.
Aniya pa ang Piagapo ay isang lugar sa Mindanao na sinanay ang Maute
brothers at kanilang mga followers noong taong 2016.
Ang lugar din aniyang ito ay malimit na target ng military operations dahil
dito nagtatago ang mga teroristang grupo.
Kaya naman nagpapasalamat ang militar sa mga opisyales at residente ng
Piagapo dahil sa mapayapang pagsuko ng mga armas.
Batay sa rekord ng Joint Task Forces mula January 1 hanggang March 16, 2018
ay 727 loose firearms ang isinuko sa kanila, 179 dito ay isinuko sa Central
Mindanao, 73 sa ZamPeLan, 221 sa Zamboanga City, at 254 sa lalawigan ng
Sulu.