
Hiniling ni Bagong Henerasyon (BH) Party-list Rep. Robert Nazal sa pamahalaan na palawakin pa ang mga kongretong hakbang para masuportahan at mapangalagaan ang kapakanan ng milyun-milyong Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa pulong kay Department of Migrant Workers Assistant Secretary for Sea-based OFW Concerns Jerome Pampolina, binigyang diin ni Nazal na dapat masuklian ng gobyerno ang napakalaking ambag ng OFWs sa ekonomiya.
Ayon kay Nazal, napakaraming dapat tutukan sa hanay ng OFWs, tulad ng may mga kaso laban sa employer at mga umuuwi sa bansa na luhaan at walang ipon sa kabila ng dekadang pagtitiis sa pagtatrabaho sa abroad.
Pangunahin ding inilatag ni Nazal sa DMW ang pagpapalawig ng tulong na legal at pinansyal para sa mga OFWs, pagpapatupad ng reintegration programs, at pagbibigay ng proteksyon sa kanilang dignidad, karapatan at buong pagkatao.









