Manila, Philippines – Inihayag ni Presidential Adviser for the Peace Process Secretary Jesus Dureza na handa si Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo na iatras ang nauna na niyang bersiyon ng Bangsamoro Basic Law o BBL para bigyang daan ang panukala na binuo ng Bangsamoro Transition Commission na iniakda ni House Speaker Panraleon Alvarez.
Ayon kay Dureza, ito ay isa lamang sa mga napag-usapan sa naganap na pulong ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang mga Moro Leaders at mga kinatawan ng Bangsamoro Transition Council sa Davao City kagabi.
Sinabi ni Dureza na habang nagaganap ang Pulong ay tumawag si dating Pangulong Arroyo at inihayag ang kanyang pagsuporta sa bagong bersyon ng BBL.
Tiniyak din naman ni Pangulong Duterte sa mga Moro Leaders na kapag hindi naipasa ang BBL sa kongreso ay gagamitin nito ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng Administrative Directives para matupad ang mga ipinangako nito sa mga Moro.
Paliwanag ni Dureza, naniniwala ang pangulo na ang BBL ang lulutas sa ugat ng rebelyon sa Mindanao at tutugon sa dinaranas nilang historical injustice.