Manila, Philippines – Suportado ni Committee on Agriculture Chairperson Senator Cynthia Villar mga banta na pagsasampa ng kaso laban kay National Food Authority Administrator Jason Aquino.
Diin ni Villar, kung may basehan na nagkaroon ng paglabag o may katiwaliang nagawa si aquino kaya may problema ngayon sa suplay at presyo ng bigas ay dapat ituloy na sampahan ito ng kaso.
Kasunod ito ng sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na pwedeng sampahan ng technical malversation si Aquino dahil sa report ng COA na hindi nito ginamit ang pondo para pambili ng buffer stock ng bigas mula sa mga local producers.
Bago ito ay ibinuynyag din ni Senator Risa Hontiveros na mayroong tara system sa NFA kung saan kumita umano ng halos 2-bilyong piso si Aquino at ilang pang mga kasabwat nito.
Ayon kay Hontiveros, ang salapi ay mula sa tara na ipinapataw sa bawat sako ng bigas na ipinapasok sa bansa.
Dagdag pa ni Villar, kung kakasuhan ay magkakaroon naman ng pagkakataon si aquino na magpaliwanag at idepensa ang sarili sa korte.