Manila, Philippines – Itinataguyod ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang gagawing imbestigasyon ng House Committee on Human Rights sa ‘crackdown’ ng PNP laban sa mga ‘tambay.’
Ayon sa KMU, ang pitonglibo na inaresto ay hindi naman mga kriminal pero inabuso umano ng pulisya ang kanilang mga karapatan.
Ayon kay Elmer Labog, ang chairperson ng grupo, mai-uugnay aniya ang pagdami ng mga istambay dahil sa malawakang kawalan ng trabaho na epekto raw ng contractualization at mass layoff sa iba’t-ibang kumpanya o korporasyon.
Basehan aniya ng pahayag na ito ang report umano ng Philippine Statistics Authority (PSA) na isa sa mga ‘major factors’ sa pagtaas ng unemployment rate ngayon ay dahil sa kabiguan ng gobyerno na tuldukan ang problema sa kontraktwalisasyon.
Giit pa ng KMU, sa halip pagtuunan ng pansin ang mga tambay ay mas makatutulong kung gagamitin ang kapangyarihan ng estado sa enforcement ng mga polisiya ng labor department para sa kabutihan ng mga manggagawa.