SUPORTADO | Mahigpit na patakaran sa planong pag-aarmas sa mga barangay officials, iginiit

Manila, Philippines – Suportado nina Senate President Tito Sotto III at Senador Richard Gordon ang plano ni Pangulong rodrigo Duterte na armasan ang mga kapitan hanggang sa mga tanod ng baranggay.

Pero giit ni Senador Sotto, dapat piliin lang ang mga bibigyan ng armas upang hindi mapasama ang mga barangay officials na naglalasing at may iba pang paglabag na dapat ay kasuhan na.

Paalala pa ni Senador Sotto, sinumang hahawak ng baril ay dapat pumasa sa psychiatric tests at iba pang requirements.


Sabi naman ni Senador Gordon, hindi maaring armasan ang mahigit 42 libong mga barangay chairman at daan-libong mga kagawad at tanod.

Diin ni Gordon, dapat maging mahigpit ang patakaran ukol dito at dapat ipatupad lang ito sa mga kritikal na lugar kung saan matindi ang krimen, may banta ng terorismo at may mga rebelde.

Ikinatwiran ni Senador Gordon na baka mabigyan din ng armas ang mga opisyal ng barangay na sangkot sa ilegal na droga gayundin ang mga nakikismpatya sa mga rebeldeng grupo at mga teroristang grupo sa ilang bahagi ng Mindanao.

Facebook Comments