Manila, Philippines – Suportado ni Dating DILG Secretary Rafael Alunan III ang panukalang maisama sa aralin ng Senior High School ang Mandatory Military Training .
Napapanahon na aniya para sumailalim sa malawakang pagsasanay – militar ang mga estudyante sa pamamagitan ng Reserved Officers Training Corps o ROTC program sa gitna ng kasalukuyang panloob at panlabas na banta sa seguridad sa bansa.
Sinabi ni Alunan na mapapalakas ng ROTC ang Armed Forces ng bansa dahil madagdagan ang bilang ng reserbang sundalo na maaaring magamit sa panahon ng armadong tunggalian at iba pang krisis.
Aniya, kailangan din ito para magkaroon ng sapat na kaalaman at pagsasanay sa pagbibigay ng serbisyo sa kapwa lalo pa at wala namang iba pa na magtatanggol sa bansa kundi ang mga Pinoy na mismo.
Dagdag pa ng dating kalihim, ang mandatory ROTC ay pangunahing pagsasanay na sa ibang bansa tulad ng Singapore at Korea.
Sa Pilipinas ay optional lamang ito sa ilalim ng National Service Training Program na bahagi ng curriculum sa mga kolehiyo.
Aminado si Alunan na nabahiran ng korapsyon ang ROTC program noon pero hindi aniya problema ang programa kungdi ang mga nagpapatupad nito.