Manila, Philippines – Umani ng suporta sa ilang kongresista ang operasyon ng ride-hailing app na Angkas matapos itong suspendihin kamakailan ng Supreme Court (SC).
Nababahala si House Committee on Metro Manila Development Chairman Winston Castelo na lubhang makaka-apekto ang suspensyon sa operasyon ng naturang ride-hailing app sa mga commuters lalo na ngayong Kapaskuhan.
Ayon naman kay Manila Representative Cristal Bagatsing, aabot sa 25,000 motorcycle riders ang apektado sa naturang desisyon habang marami ang mapagkakaitan ng mas convenient na paraan ng pagbiyahe.
Maging si AKO Bicol Party-list Representative Rodel Batocabe ay nagsabi ring maraming commuters ang mapagkakaitan ng mura at maasahan na mode of transportation.
Umaasa ang mga kongresista na mapagtatanto ng Korte Suprema ang epekto ng kanilang inilabas na TRO lalo pa at marami ang maapektuhan nito.